Wednesday, June 17, 2015

Ang Mahaba at Masalimuot na Landas ng Pagbubuo ng Anak (unang bahagi)

Nabuntis ako sa edad na 29 ngunit kung pagbabasehan ang aking plano noong ako ay 12 na taon, dapat ay 28 gaya ng aking ina. Sa totoo lang, ninais ko nang mabuntis noong ako ay 26 anyos. Sa kasamaang palad, hindi ito natupad at kinailangan ko (at ang aking kabiyak) pang pagdaanan ang isang matinik na landas para makabuo ng anak.

Paano nga ba ito sisimulan?

Marahil magandang simulan ito sa panahon na nag-ugat ang problema sa aking fertility.

Nagtapos ako ng masterado sa Arkeolohiya noong 2010. Bago ang panahong ito ay masasabing mayroon akong katamtamang katawan.Gaya nang makikita sa aking grad pic sa ibaba.
                                                                               (2005)

Dahil sa kalikasan ng aking major, sumabak ako sa gawaing kinailangan ng malusog na pisikal na kondisyon. Ngunit nang dumating ang panahon para umupo, magbasa at magsulat ng isang thesis, nagsimula na ang pagdagdag ng aking timbang at paglobo ng aking katawan. Hindi na ako nakapaghukay kaya malaki itong kabawasan sa pisikal na aktibidad. Dahil naglalagi na ako sa Pambansang Museo, aklatan at sa harap ng aking laptop, masasabing hindi talaga ako nakakapag-exercise.

Sa panahong ito, nalaman ko rin na mas nakakagutom pala ang mag-isip kesa sa pisikal na aktibidad. Sa bawat aklat na aking tinapos basahin ay kakain ako o di kaya'y sabay pa ang pagkain at pagbabasa. Minsan naman, magsusulat ako nang napakahaba tulad ng isang kapitulo sa loob ng 3 oras nang tuluy-tuloy. Pagkatapos nito, matindi na ang aking gutom at uhaw na masusolusyunan lamang ng tapsilog sa Rodics. Matapos maidepensa ang aking thesis, hindi mabilang na tapsilog, chickenjoy, kfc, chippy at bubble tea ang aking kinonsumo nang walang pagsisisi. Lahat ng calories ay premyo sa aking mga paghihirap.

Mula sa litrato sa itaas, unti-unting nauwi ako sa litrato sa ibaba.

Ang katotohanan, hindi ko ito nahalata. Kagagahan man o hindi, sa tuwing tumitingin ako sa salamin ay pareho pa ring imahen ang aking nakikita. Hindi ako dumaan sa anumang depresyon o kalungkutan. Namuhay ko nang walang pagbabago kaya naman wala akong ginawa para baguhin ang kalagayang ito. Ito ang aking malaking pagkakamali. Dahil sa aking katabaan, nagkaroon ng imbalance ang aking mga hormone sa katawan. Lubos na naapektuhan nito ang aking fertility na makikita sa pagtalon ng aking buwanang dalaw.

Sa unang beses na hindi ako dinatnan, inakala ko na ako ay nagdadalang tao. Bumili kami ng aking kabiyak ng isang pregnancy test kit. Habang papunta sa drug store, lubos akong kinakabahan. Hindi ito planado dahil 26 anyos pa lamang ako noon. Hindi pa ako handa mental o emosyonal man. Kung positibo, ano ang gagawin ko? Ano ang gagawin ko sa isang sanggol gayung ako mismo ay isa pa ring isip-bata? Hindi ako marunong mag-alaga, magpakain, magpalit ng lampin at kahit magturo ng magandang asal. Sabi ko sa sarili ko, kaawa-awang bata na may nanay na hindi handa. Hindi pa ako handa.

Nang ginamit namin ang test, lumabas na hindi ako buntis. Dito naging kagila-gilalas ang mga sumunod na pangyayari. Imbes na matuwa o magdiwang, nakaramdam ako ng kalungkutan.

Hinawakan ko ang aking tiyan at hinimas. Naisip ko, wala itong laman. Isang napakalungkot na kalagayan... walang laman ang aking sinapupunan.

Mula noon, nagkaroon na ng isang butas ang aking puso na isinumpa kong kailangan ko nang punan.

Monday, June 15, 2015

Bagong Blog, Bagong Buhay

Ilang taon na ang nakakaraan ay binura ko ang unang blog na aking ginawa habang ako ay naninirahan pa sa ibang bansa. Bagong graduate ako noon sa kolehiyo at lumipat sa isang banyagang bansa kasama ang aking pamilya. Dahil wala akong mga kaibigan sa bagong lupaing iyon, nagkaraoon ako nang maraming oras sa sarili kaya naman nagkaroon ako ng panahon para magsulat ng isang blog.

Sa kasalukuyan, naninirahan na muli ako sa Pilipinas; nagtuturo sa isang unibersidad; at nag-aalaga ng isang bagong panganak na sanggol. Bagaman hindi ko tinatamasa ang "maraming oras" na kalagayan tulad noon, naisip ko pa rin gumawa ng isang blog sapagkat higit pa kumpara noon, ngayon ko lang masasabi na may katuturan na ang aking mga maisusulat.

Para sa mga maliligaw sa blog na ito, maibabahagi ko ang aking mga karanasan bilang isang bagong ina, asawa at mag-aaral. Bagaman magiging samu't sari ang mga tema ng mga aking post, umasa na ang lahat ng ito ay may harmonikong pagkakaisa sapagkat nakita ng mga temang ito ang pagkakaisa sa loob ng aking katauhan.

Maraming salamat sa pagdalaw!